Pacquiao kakasuhan si Pastor Quiboloy

BALAK sampahan ng kaso ni Senador Manny Pacquiao si Pastor Apollo Quiboloy, ang self-proclaimed na “appointed Son of God” at kilalang malapit na kaibigan ni Pangulong Duterte.

Ayon kay Pacquiao, nais niyang idemanda ang pastor dahil sa pagpapalaganap ng maling balita tungkol sa kanya.

“Itong si Quiboloy, gumagawa ng issue na hindi po niya alam. Dapat hindi siya makikialam sa gobyerno. Mag-focus na lang po siya doon sa kanyang mga disipulo na naniniwala po sa kanya,” ayon sa senador sa panayam nito sa ABS-CBN News Channel.

“Hindi po tama yang ginagawa niya at ‘yan po ay pananagutan niya sa batas. Plano ko pong mag-file ng kaso against him dahil po sa kanyang paglabag, at gumagawa po siya ng kwento na hindi naman po totoo,” dagdag pa nito.

Inakusahan ni Quiboloy si Pacquiao na siyang nasa likod ng hindi matapos-tapos na Sarangani Sports Complex na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon.

“Patawarin ako ng Panginoon pero hindi po talaga ‘yan totoong pastor kasi gumagawa niya ng mga fabricated story. Yung video na kinunan nila, yung pinalabas nila, building po yoon nung maliit na bata pa ako, nung 1996 pa,” hirit ni Pacquiao.

“Yung buildings na ipinatayo natin, hindi pinakita,” dagdag pa nito.