Pintor na maingay, grinipuhan ng lasing na kapitbahay

DEAD on arrival sa pagamutan ang house painter na sinaksak ng lasing na kapitbahay na naingayan sa kanya kahapon, Abril 7, sa San Pablo City, Laguna.

Lumabas sa imbestigasyon na kinumpronta ng lasing na suspek si Marlon Sarzadilla na noon ay nakikipag-usap sa kanyang asawa sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Sta. Monica ala-1:34 ng madaling araw.

Hindi umano nagustuhan ng suspek ang malakas na usapan ng mga Sarzadilla kaya sumugod ito sa tahahan ng mag-asawa.

Sa gitna ng pagtatalo, kumuha ng patalim ang suspek at tinarakan ang biktima sa dibdib.

Tumakas ang suspek makaraan ang krimen pero agad din itong nadakip ng mga rumespondeng pulis.
Nahaharap ang suspek sa kasong homicide.