75-anyos sawi sa heat stroke

MALAMIG na bangkay na nang matagpuan ang 75-anyos na lalaki sa gilid ng bukid sa San Vicente, Ilocos Sur nitong Miyerkules.

Idineklara ng mga doktor na heat stroke ang ikinamatay ni Gilbert Rebula, residente ng Brgy. Pudoc.

Ayon sa ulat, pauwi ng bahay si Rebula sakay ng kanyang bisikleta nang huminto ito ala-1 ng hapon para magpahinga.

Nadaanan pa siya ng ilang kapitbahay na tinanong kung kailangan niya ng tulong.

“May nagtanong kung kaya niya. ‘Kaya ko,’ sagot daw niya. Dahil ayaw niyang magpatulong, iniwan siya,” kuwento ng kaanak ng biktima.

Makaraan ang ilang sandali ay natagpuan ang biktima na nakahiga sa kalsada. Nanigas at nakatupi ang mga kamay niya.

Ayon sa Pagasa weather bureau, umabot sa 35 degrees Celsius ang heat index sa ilang bahagi ng Ilocos Sur nitong Miyerkules.