Kotse umapoy; 3 bata ligtas

BAGO pa tuluyang nilamon ng apoy ang isang sasakyan ay nakalabas na ang pitong sakay nito, kabilang ang tatlong bata, sa Manolo Fortich, Bukidnon.


Ayon sa pulisya, binabagtas ng kotse ang Maluko Diversion Road nang biglang tumirik ang sasakyan at umusok.


Sinabi ng driver na si Arthur Galabo na patungo sila ng kanyang pamilya sa El Salvador City, Misamis Oriental mula sa Panabo City, Davao del Norte nang makaamoy sila ng usok.


Sa takot, nagsibabaan ang mga sakay bago pa lumaki ang usok at lamunin ng apoy ang harapan ng sasakyan.


Nagtulong-tulong naman ang ibang mga motorista para maapula ang apoy.


Base sa imbestigasyon, nag-overheat ang makina ng kotse sa haba ng biyahe nito.