Cristy kay Bea: See you in court!

HINDI natatakot ang showbiz columnist at host na si Cristy Fermin sa isinampang cyber libel case sa kanya at kay Ogie Diaz ng aktres na si Bea Alonzo.

Gayunman, nangatwiran si Cristy na dapat ay hindi nagpakasensitibo si Bea sa mga ipinupukol sa kanyang intriga.

“Dapat intindihin ninyo ang aming propesyon dahil kami po ay tagapagtawid at tagapaglatag ng mga balita. Hindi maaari na ang gusto n’yo lang ang aming sabihin,” ani Cristy.

“Kayo po ay public figures. Kayo po ay nabubuhay sa loob ng aquarium. Sabi ko nga at gasgas na ang linya kong ito, kayo po ay mga isda sa loob ng aquarium. Ang publiko po ay nakatanaw sa inyo. Bawat galaw n’yo, bawat ikot n’yo, marami po nakatanaw, wala kayong maaaring ligtasan…huwag masyadong balat-sibuyas,” dagdag niya.

Itinanggi rin ng host ng online talkshow na “Cristy Ferminute” na ginagamit nila si Bea sa vlogs para pagkakitaan.

“Kami po ang nagtatawid ng balita tungkol sa kanila. Hindi po namin maaaring puhunanin si Bea Alonzo para kumita ang aming mga vlogs. Mali po ‘yun,” pahayag ni Cristy.

Chika pa niya: “Kayo ang nagdemanda. Ikaw Bea ang nagsampa ng kasong libelo laban sa akin, kay Ogie Diaz at sa aming mga kasama… We will see you in court.”