Lucy Torres-Gomez hindi na tatakbo sa Senado

HINDI na tatakbo sa pagka-senador sa 2022 elections ang misis ng aktor na si Richard Gomez na si Leyte Rep. Lucy Torres-Gomez.

Sa halip ay tatakbo na lang itong alkalde ng Ormoc, Leyte, na ngayon ay kasalukuyang inookupa ng kanyang mister, ayon kay Senate President Vicente Sotto III.

Ayon kay Sotto, si dating House Speaker Pantaleon Alvarez umano ang nagsabi sa kanya matapos makausap ng huli ang kongresista.

Si Alvarez ang pangulo ng binuhay na Partido Reporma na nagsusulong ng kandidatura ni Senador Panfilo Lacson sa pagkapangulo at Sotto sa pagka bise-presidente.

Si Torres-Gomez ang isa sa mga unang pambato ng partido para sa senador.