Vic hindi imbyerna sa Its Showtime, game makatrabaho si Vice

OPEN si Vic Sotto na makasama sa project si Unkabogable Star Vice Ganda.


Sa isang panayam, inihayag ni Bossing na hindi siya choosy sa mga makakasama sa trabaho. “It’s not impossible… siguro in the future, why not? Wala akong pinipili,” aniya.


Hindi naman sinabi ng Eat Bulaga host kung mayroon siyang isasaling pelikula sa Metro Manila Film Festival sa December.


“Surprise,” sambit ni Vic na huling nagbida sa MMFF entry na Mission Unstapabol: The Don Identity noong 2019.


Kaugnay nito, klinaro ni Vic na walang away sa pagitan ng mga host ng Eat Bulaga at It’s Showtime.
Ayon sa kanya, counterparts at hindi enemies sina Vice and company.


“Never naming sasabihing kaaway. Katapat, kalaban, pero iba ang kaaway namin,” sabi niya bagaman hindi niya binanggit ang tinutukoy.


“Iba ang magkaaway sa kalaban. It could be a friendly competition. It has always been the case with Eat Bulaga and It’s Showtime. ‘Yun ang nagpapasaya sa tanghalian ng mga Pilipino,” dagdag ni Bossing.
“Part of the game” naman aniya ang balitaktakan ng mga fans ng dalawang noontime shows sa social media.


“Alam mo, hindi kasi ako ma-social media. It’s part of the game. Kasama ‘yun sa buhay. ‘Yun ang nagpapasaya sa araw-araw natin May mga fans na nagbabangayan, dapat masaya lang tayo. Magkalaban at magkaaway, magkaiba ‘yun. Hindi ko babatiin ‘yun,” sey pa niya.


Samantala, hinimok ni Vic ang mga bashers na ituloy lang nila ang pagpapakalat na titigil na sa ere ang Eat Bulaga dahil nalulugi na ito.


“Patuloy niyo lang ‘yan para magpatuloy ang pagsikat namin. Lilipas din ‘yun. May panlaban ako sa mga troll, scroll. Scroll ko na agad. Balewala na ‘yun,” paliwanag niya.