Zeinab sumugod sa Japan para sa birthday ni Ray: ‘Nasobrahan sa pagmamahal’

KAHIT puyat ay lumipad patungong Japan ang aktres at social media personality na si Zeinab Harake para makasama ang boyfriend na si Ray Parks Jr. sa kaarawan nito noong February.

Sa kanyang vlog, makikita si Zeinab na mag-isang nagpunta ng Japan ilang oras makaraang salubungin niya at mga kaibigan ang birthday ni Ray sa Pilipinas.

Naki-celebrate naman si Ray, na naglalaro sa Japan B. League, sa pamamagitan ng video call. 

Matapos ang party ay nagtungo na sa airport si Zeinab pero pagdating sa Japan ng hapon ay hindi niya naabutan ang boyfriend sa apartment nito kaya naghintay pa siya na makauwi si Ray kinagabihan.

“Grabe ang lamig. Umuulan pa parang akong pinaliliguan ng yelo sa labas. Antok na antok ako. Gutom ako. Lamig na lamig ako,” reklamo ni Zeinab.

“Ano ba ‘tong ginagawa ko sa sarili ko? Nasobrahan sa pagmamahal,” dagdag niya.

Nagulat naman ang basketball player nang bumungad sa pinto si Zeinab.

“Hi! Happy birthday!” panggulat ng aktres.

“Hahaha. Miss na miss kita, tignan mo suot ko,” sagot ni Ray.

“Awww. I love you.”

“Nakakabaliw naman ‘to.”

“Siyempre, birthday mo ‘no!”

“I love you so much!”

“Happy ka?”

“Sobra!”