2 pulis huli sa akto sa mall parking lot; kakasuhan ng mga asawang pulis din

NAKATAKDANG sampahan ng mga kasong adultery at concubinage ang dalawang pulis na naaktuhan na nagtatalik sa parking lot ng isang mall sa Laguna.

Ang mismong mga asawa nila na pulis din ang nakahuli sa kanila.

Base sa ulat, matagal nang nagdududa ang kanilang mga asawa na may relasyon ang dalawa.

Nang malaman na nagkita ang magkalaguyo sa mall sa Laguna nitong Huwebes ay sinundan nila ang mga ito.

Alas-10 nang umaga nang makarating sa mall ang mga nagrereklamo at huling-huli nila ang kanilang mga asawa na nagniniig sa kotse ng lalaking opisyal.

Tinangka pang tumakas ng magkalaguyo sa sasakyan ng babae pero nabaril ng asawa ang gulong ng sasakyan. Nakapuslit ang ginang kahit flat ang gulong.

Nabaril naman ng asawa ang lalaking opisyal nang tumalon ito sa sasakyan at tinangkang tumakbo palayo.

Isinugod ng iba pang rumespondeng pulis ang sugatang suspek sa isang ospital sa Laguna habang pinaghahanap ang kalaguyo na tumakas patungo sa direksyon ng Batangas.