Robin protektor ng kriminal–Xian Gaza

TINAWAG ni Xian Gaza na protektor ng kriminal si Sen. Robin Padilla dahil sa pagtatanggol nito kay Pastor Apollo Quiboloy na nahaharap sa mga kasong rape, child abuse at human trafficking.

Sa kanyang Facebook post, ipinamukha ni Xian kay Robin na hindi biktima si Quiboloy.

“Hindi po biktima si Quiboloy. Siya po ang maraming biktima kaya po patung-patong ang kaso niya sa Estados Unidos and Wanted by the FBI,” aniya.

“Kung siya po ay isang hero dahil nilabanan niya ang NPA, siya naman po ay isang child rapist dahil inabuso niya ang maraming menor de edad na miyembro ng kanyang Simbahan,” dagdag ng Thailand-based businessman at social media personality.

Ipinunto rin ni Xian na hindi raw porke mabait ang pastor sa senador ay mabait na rin ito sa iba.

“Maaaring sayo ay maayos akong kausap sa pera pero yung iba ay iniscam ko. Same with Quiboloy,” saad ni Xian.

Dahil sa pagdepensa ni Robin kay Quiboloy ay binalewa ng senador ang damdamin ng mga totoong biktima.

“Kung ikaw po ay nagbubulag-bulagan dahil gusto mo pong protektahan ang iyong kaibigan, ini-invalidate mo po yung mapapait na karanasan ng mga biktima niya,” aniya.

Kinuwestiyon din ni Xian ang pagiging public servant ng dating action star.

“Paano ka po namin titignan as a leader kung inuuna mo po yung kapakanan ng kaibigan mo kaysa kapakanan ng iyong mamamayan? Ang tingin po namin sayo ngayon ay isang senator na protektor ng kriminal,” sambit niya.