Rio hindi raw pinabayaan sa ‘Black Rider’ set

ITINANGGI ng veteran actress na si Rio Locsin na inatake siya ng hika sa set ng “Black Rider” pero walang rumesponde sa kanyang medical team.

Sa isang panayam, klinaro ni Rio na nadala siya nang husto sa eksena kaya hindi siya agad nakabitaw sa karakter.

“Tama po kayo, hindi ako nakabitaw agad sa napakataas na emosyon na kinakailangang ibigay sa eksena kasi apat na tuloy tuloy na eksena na maraming namatay at isa-isa naming nakikita,” paliwanag ni Rio.

Giit niya, hindi siya iniwan ni Ruru hanggang kumalma siya.

“Ang lahat ay nag-aalala, since senior na ako, at ramdam ko ang pag-aalaga nila sa akin. Pagkatapos n’un, balik na ulit sa normal, chikahan na uli,” sabi niya.

Sey pa ni Rio, nagulat na lang siya sa mga lumutang na balita na kesyo pinabayaan siya ng staff habang inaatake siya umano ng hika.

“Nakakabigla nga dahil parang hindi ko inaasahan ang mga lumalabas na balita…May mga medic kami sa set, may ambulance din. Kaya hindi totoo na walang medic na tumutulong, nagkataon lang na hindi ko naman talaga kinailangan na magpa-medic nung oras na yon, but anytime, andyan lang sila,” sabi niya.

“Hindi rin totoo na inatake ako ng hika, wala po akong hika,” dagdag niya.