Arjo di lalabanan si Joy sa 2025; Mahal ni Mayor ang anak ko – Sylvia Sanchez

TUWIRANG sinabi ng veteran actress na si Sylvia Sanchez na walang katotohanan ang mga lumalabas na balita na kakalabanin ng anak niyang si Quezon City Rep. Arjo Atayde si Mayor Joy Belmonte sa 2025 midterm elections.

Sa panayam ng aktres at QC Councilor Aiko Melendez, iginiit ni Sylvia na pagkakongresista pa rin ang tatakbuhan ng anak.

Ayon sa veteran actress, malaki ang utang na loob ni Arjo kay Joy dahil nagsilbi itong nanay-nanayan at mentor ng anak nang pasukin ang politika.

“Sinasabi nga na dito sa politics, hindi daw ino-honor, karamihan na hindi daw ino-honor ‘yung salitang utang na loob. Pero hindi. Hindi ganon ‘yun si Arjo,” giit ni Sylvia.

“Sa kanya, ang tumulong sa kanya, ang nagpapasok sa kanya dito at naging mentor niya si Mayor Joy Belmonte. Sinabi niya talaga sa akin, ‘Hindi ko lalabanan si Mayor Joy Belmonte. ‘Yan ang nanay ko dito’,” dagdag ng veteran actress.

Sey pa niya, kahit sila ng asawang si Art Atayde ay kokontra rito.

“Hindi po lalaban si Arjo kay Joy Belmonte. Imposible ‘yun. Una, aayawan ni Arjo, pangalawa aayawan naming mag-asawa. Mahal ni Mayor Joy si Arjo,” saad pa ni Sylvia.