Leren ‘tita’ ni Ricci? ‘Ate lang!’

DEDMA ang magkarelasyong Ricci Rivero at Leren Mae Bautista sa bashers patuloy na inuukilkil ang kanilang five-year age gap.

Sa programang “Fast Talk” ni Boy Abunda, inihayag nina Ricci at Leren na pinagtatawanan na lang nila kapag binabanggit na hindi sila bagay dahil sa agwat ng kanilang mga edad.

“Natatawa lang ako minsan. Kasi ‘yung pag sinasabi nilang tita daw po ako ni Ricci, sabi ko, ‘ate lang.’ Hindi naman tita, ate lang!” ani Leren, konsehala ng Los Baños, Laguna.

“In terms naman po doon sa age gap, feeling ko naman, nagkakaintindihan naman kami with the level of maturity that he has,” pagseseryoso niya.

“Sabi ko nga, mas mature pa siya kaysa sa akin pero ako ‘yung mas matanda,” dagdag ni Leren.

Matatandaang na-bash nang husto ang konsehala nang ipost niya ang mga larawan ni Ricci na ipinagdiwang ang kaarawan sa pamimigay ng ayuda sa Los Baños sa kasagsagan ng balitang hiwalay na ito sa girlfriend na si Andrea Brillantes.