Mister ni Angeline iniintriga: Saan kukuha ng pangsustento sa 5 pang anak?

PINAYUHAN ng veteran showbiz columnist at host na si Cristy Fermin si Nonrev Daquina, ang asawa ng singer na si Angeline Quinto, na magtayo ng sariling negosyo para may ipantustos sa pangangailangan ng iba pa nitong mga anak.

Sa latest episode ng “Cristy Ferminute,” sinabi ni Cristy na todo ang mga puna ng netizens kay Nonrev.

“Si Nonrev Daquina binabash-bash ngayon. Dahil ‘di ba nagpakasal na nga sila ni Angeline Quinto. Ano raw mangyayari kay Angeline e lima na ang anak ngayon nitong si Nonrev kasi may anak na siya sa una? Puro babae,” tanong ni Cristy.

“Siyempre hindi naman po maiaalis sa atin na mag-isip kung ilan na ang anak niya, saan nga naman ba kukuha ng pangsustento ngayon si Nonrev? E, wala naman tayong napapabalitang negosyo niya,” chika naman ng co-host niyang si Romel Chika.

“Dapat dahil siya ang ama ng tahanan dapat siya ‘yung nakikita ng publiko na nagtatrabaho talaga para hindi sinasabi na umaasa lang siya kay Angeline Quinto. Nakakalungkot naman ‘yang ganyan. Kaya ngayon, binabash-bash siya,” sambit ni Cristy.

Kaya naman pinayuhan niya si Nonrev na magtayo ng sariling negosyo para ipakita sa publiko na kaya niyang itaguyod ang mga anak niya sa ibang babae.

Matatandaan na paulit-ulit nang itinanggi ni Angeline na sa kanya nakasandal si Nonrev kahit noong unang nabalita na mayroon silang relasyon.