Cristy Fermin kinumpirma panganganak ni AJ Raval

KINUMPIRMA ng veteran show biz columnist at host na si Cristy Fermin na nanganak na nga ang sexy actress at vlogger na si AJ Raval.

“Ang pagdadalang-tao po ay hindi maaaring itago nang matagal na panahon. Ang binhi po ay siyam na buwan lamang pong dinadala ng ina, pagkatapos po nun ay lalabas na ang sanggol. Ito po yung pagkakataon na mahihirapan pong itago,” sey niya.

“Ito po ay kumpirmadong balita. Kung paano po dadalhin ng pamilya ni AJ Raval at ni AJ mismo at ni Aljur Abrenica ay hindi po natin alam kung ano na naman po ang kanilang sasabihin. Basta ang masasabi po namin, mag-deny man po nang libong beses ang kahit sino, darating at darating po ang pagharap natin sa katotohanan,” dagdag pa niya.

Ibinahagi rin ni Cristy na sa isang pelikulang pinagbibidahan ni AJ ay malalayo ang shots para hindi mahalatang buntis ito.

“Yung ipinapalabas na pelikulang pinagbidahan niya sa Vivamax? Kwinento sa akin ng mga kaibigan ko, maging ang aking mga anak, ikinuwento na malalayo ang mga shots, naka-t-shirt ng very loose, maluwag,” chika niya.

Kamakailan ay binanggit din ni manager/vlogger Ogie Diaz na naispatan si Aljur Abrenica sa ospital na hinihintay si AJ.