Bakbakang Vice, Cristy tumitindi

PINALAGAN ng veteran showbiz columnist at host na si Cristy Fermin ang pagpapasaring sa kanya ni Unkabogable Star Vice Ganda sa noontime show nito na “It’s Showtime” nitong Huwebes.

Sa “Cristy Ferminute” nitong November 24, binungangaan ni Cristy si Vice kaugnay sa “pagkumpronta” ng huli sa isang contestant na nagngangalang Cristy.

“Kumusta ka, Cristy? Ano’ng pinagkakaabalahan mo, Cristy, bukod sa paggawa ng mga kasinungalingan?” ani Vice sa contestant.

Hirit naman ng kolumnista, bakit hindi siya diretsuhin ni Vice.

“Ako diretsa kong nasasabi sa kanya na mayabang siya, na wala ka man lang makitang pagpapakumbaba sa kanya, diretso ko nasasabi ‘yun. Bakit hindi niya ako diretsuhin? Hindi ‘yung magtatago pa siya sa saya ng iba tao. Gagamit pa siya ng ibang tao para lang makaganti,” sey niya.

“Kung lalaban ka, dapat parehas. Kung ika’y magagalit, dapat ay ituro mo ‘yung tao kung sinuman ‘yung gusto mong patungkulan. Hindi ‘yung kung ano-ano ‘yung pinagsasasabi mo. Hindi natutuwa ang tao sa ganoon,” dagdag niya.

Humirit din si Cristy na may karma ang pagiging palalo ng “It’s Showtime” host.

“Ang hirap kasi sa’yo Vice, magmula ng ikaw ay makatikim ng popularidad, inangkin mo na ang mundo. Na ikaw ang gitna, ikaw ang araw at umiikot lang ang lahat ng tao sa show business na parang mga planeta sa iyo. Dapat mong malaman, planeta ka lang din na tulad namin, hindi ikaw ang araw. Isang araw darating sa iyo ang pagbaba mo, bababa ka sa pedestal, hindi pupuwedeng nandiyan ka habang panahon. May mga darating na mas magagaling sa iyo at matatabunan ka… Kami natutuwa na mayroong mga pinagpapala na katulad mo pero kapag ang hangin ng kayabangan at pagiging palalo ay pumapasok na sa ulo, kinakalos natin ‘yan,” sabi niya.

“Vice Ganda hindi ka tunay na babae, lalaki ka… Nagpapanggap ka lang na babae,” wika pa ni Cristy.

Samantala, nag-tweet ng gif ng isang halimaw si Vice Ganda ilang sandali makaraang mag-viral ang sinabi sa kanya ng batikang kolumnista at host na si Cristy Fermin na “Hindi ka babae, lalaki ka. Nagpapanggap ka lang na babae.”

Bago ito, isa pang tweet ang pinakawalan ni Vice. “Bwak bwak bwak bwak bwak bwak bwak bwak bwak bwak!!!!!!!!!!!!!!!!! Funny funny funny! Very very very very!!!!!🤪🤪🤪🤪🤪🤪🤪🤪🤪🤪🤪,” post niya sa X.

Haka-haka ng mga fans, ito ang sagot ni Vice sa mga hanash ni Cristy sa kanya.