Annabelle sa-stricken na manugang: I love you…ikaw ang pinakamagandang kalbo!

MADAMDAMIN ang mensahe ni Annabelle Rama sa manugang niyang si Alexa na nakikipaglaban ngayon sa leukemia.

Sa kanyang Instagram account, ipinost ni Annabelle ang liham para sa asawa ng anak na si Elvis.

“Sorry Alexa ngayun lang ako nag comment sayu kasi sobrang affected ako sa nanyari sayu. Hindi parin ako makapaniwala. Kasi ang bait bait mong manugang at sobrang masinop sa asawa at mga anak mo.

“Matagal kang nakatira sa akin, gf/bf palang kayu ni elvis hanggang sa ikasal at magkaanak kayu ay magkasama parin tayu sa bahay kaya para na talaga kitang tunay na anak.

“Alam mong hindi ako vocal sa nararamdaman ko pero alam kong alam mo na mahal kita na parang anak ko na. Kaya alam kong gagaling ka. Habang pinapatex ko ito hindi ko mapigilan umiyak. “I love you Alexa! Don’t worry na kalbo ka, para sa akin ikaw ang pinakamagandang kalbo! ❤️❤️❤️,” ani Annabelle.

Idinagdag niya na hindi dapat mag-aalala ang manugang sa mga anak nito dahil naalagaan ang mga ito nang mabuti.

“Huwag kang mag alala sa mga bata. Nanditu kami ni eddie para subaybayan ang mga anak mo habang nag papagaling kapa. Pinagdasal kita everday at pinagsindihan kita ng kandila sa Sto Nino sa cebu for your fast recovery,” sabi pa ng talent manager.