Angel Locsin miyembro ng Muslim royal family

ALAM mo bang miyembro ng royal family ng Marawi City ang aktres na si Angel Locsin?


Sa podcast ni Matteo Guidicelli, ni-reveal ni Angel na simpleng buhay ang kinalikihan niya kahit mayroon siyang “dugong bughaw.”


Kwento ni Angel, inampon ng prinsesa ng Marawi ang kanyang ina noong naghihirap pa ang kanilang pamilya.


“’Noong naghihikahos ang lolo at lola ko, nagmagandang-loob ‘yung princess ng Marawi and in-adopt ‘yung mommy ko. Hanggang sa ipinanganak na ako, nag-reach out talaga sila. Napakabait nila,” aniya.


Nagpasalamat din si Angel na itinuturing siyang kapamilya ng mga ito kahit Kristiyano siya.


“Kahit Kristiyano ako, walang issue, walang friction. Napaka-giving lang talaga nila,” aniya patungkol sa kanyang mga kamag-anak sa Marawi.


“I am just really happy na parte sila ng buhay ko. Hanggang ngayon, kapag pumupunta ako sa Mindanao, nakaantabay na talaga ‘yung mga kamag-anak ko doon. Kaya masakit sa loob ko kapag nakakarinig akong hindi maganda tungkol sa mga Muslim brothers natin kasi nakita ko kung gaano sila kabait,” paliwanag niya.


Iginiit din niya na mali ang paniniwala ng marami na puro gera ang nasa isip ng mga Muslim.


“Basta ang alam ko ang mga Muslim, ayaw ng violence, ayaw ng nakakasakit ng kapwa. Puro lang sila love,” dagdag ng aktres. –A. Mae Rodriguez