Kisses Delavin, Maureen Wroblewitz pasok sa Miss Universe-PH

PASOK sa Miss Universe Philippines pageant ang aktres na si Kisses Delavin at ang model na si Maureen Wroblewitz.

Kabilang ang dalawa sa 100 contestants sa patimpalak ngayong taon. Sila ay kabilang sa huling batch ng mga kandidata na inanunsyo ng Miss Universe Philippines organization sa Facebook page nito noong Hulyo 19.

Si Delavin na native ng Masbate ay hindi na bago sa beauty pageant. Bago pa pumasok sa mundo ng showbiz, tinanghal siyang Miss Kaogma at Miss Masbate noong 2016. Naging Miss Teen Masbate rin siya noong 2013.

Ang modelo namang si Wroblewitz ay tinanghal na champion sa fifth season ng reality show na “Asia’s Next Top Model’. Siya ang kauna-unahang Pinay na nanalo sa nasabing reality show na hosted ng supermodel na si Tyra Banks.