Malikot na backrider tinumba ng bayaw

SINAKSAK at napatay ng 22-anyos na lalaki ang live-partner ng kanyang kapatid makaraan umanong maglikot ito habang angkas niya ng motorsiklo sa San Jose, Negros Oriental.

Wala nang buhay ang biktimang si John Michael Telez, 21, residente ng Brgy. Siapo, nang datnan ng mga pulis. Nagtamo siya ng sugat sa katawan.

Agad namang sumuko ang suspek na si Ranil Morales, ng parehong barangay, makaraan ang insidente. Nahaharap siya sa kasong homicide.

Sa isang panayam, inamin ni Morales na nagkasagutan sila ni Telez makaraan niyang ihinto ang motorsiklong minamaneho dahil sa sobrang likot ng biktima na kanyang angkas.

Ani Morales, mangunguha siya ng isda nang magboluntaryong sumama si Telez na noon ay galing sa inuman.

Muntik na umanong madisgrasya ang dalawa dahil napakalikot ni Telez kaya inihinto ni Morales ang motorsiklo.

Kuwento ng suspek, bumaba ang biktima at pilit na inagaw ang motorsiklo na nauwi sa pagtatalo.
Sa gitna ng away, binunot ni Morales ang bitbit na bolo at sinaksak ang bayaw.