Barbero ‘tinalupan’ ng 2 bebot sa motel

LULUGO-lugong dumulog sa himpilan ng pulisya ang barbero na ninakawan ng dalawang babae sa isang motel sa Cebu City noong Biyernes ng madaling araw.

Sa reklamo ng biktima ni Alden (hindi tunay na pangalan), 28, nag-iinuman sila ng kanyang pinsan sa Legaspi st. noong Huwebes ng gabi nang lapitan sila ng dalawang babae at inaya siyang mag-motel.

Dahil nakainom na, madali umano siyang napapayag ng mga babae.

Ayon kay Alden, tubong-Camotes Island, nag-check in silang tatlo sa isang motel sa Manalili st.

Alas-3 ng umaga ay nagising siya na wala ang dalawang babae. Wala na rin ang kanyang pera, cellphone at alahas.

Pinaghahanap na ng pulisya ang mga suspek na nasapul ng CCTV camera ang mga mukha habang papalabas ng motel.