Las Pinas RTC ibinasura kasong droga laban kay Juanito Remulla III

IBINASURA ng Las Pinas Regional Trial Court (RTC) Branch 197 ang kasong droga laban sa anak ni Justice Secretary Crispin “Boying” Remulla na si Juanito Jose Remulla III na nahulihan ng P1.3 milyon kush o hybrid marijuana.

Pinawalang sala ni Las Pinas RTC Branch 197 Judge Ricardo Moldez II si Remulla dahil sa kawalan ng sapat ng ebidensiya.

“Mali ang pangalan sa shipper’s form at yung kanyang ID, kung kayo po ay may parcel at usually hinihingan kayo ng dalawang ID, kapag mali ang spelling niyan, hindi ibibigay. Ang nangyari po dito, isang ID lang ang hiningi sa kanya mali pa nga,” sabi ni Atty. Perlito Campanilla, isa sa mga abogado ni Remulla.

Matatandaang nahuli si Remulla noong Oktubre 11, 2022 matapos tanggapin ang kontrabando na naglalaman ng droga.