Paolo Contis responsableng ama

KUNG paniniwalaan ang veteran show biz columnist at talent manager na si Lolit Solis, responsableng ama si Paolo Contis at pantay-pantay ang pagmamahal nito sa mga anak sa dating partners.

“Lahat ng anak ni Paolo Contis ay mahal niya at pinipilit niyang maging maayos ang relasyon niya sa mga ina nito,” ani Lolit.

May tig-isang anak si Paolo kina Lian Paz at LJ Reyes.

“Hindi rin alam ni Paolo Contis kung ano ang gagawin sa sitwasyon niya. Siyempre anak niya ang mga bata at lagi din nasa isip niya. Sayang nga at nasa USA si Summer (anak niya kay LJ) kaya hindi niya madalas makita kaya ngayon gumagawa siya ng paraan para makita ito,” dagdag niya.

“Kahit ano pa sabihin, gusto din ni Paolo Contis gampanan ang pagiging ama sa mga anak niya. Nandiyan pa rin siya at gustong ipaalam na anytime, puwede siyang magbigay oras sa mga ito. Kung happy go lucky ang image ni Paolo, pagdating sa anak, isa siyang responsableng ama,” paliwanag ni Lolit.

Klinaro din niya na walang kinalaman si Yen Santos sa hiwalayang Paolo at LJ.

“Hindi niya gustong masali si Yen Santos sa issue dahil wala naman kinalaman ito. Kaya nga lang hindi naman niya control ang media, ang pag iisip ng mga tao,” chika ni Lolit.