Lalaki naghuramentado sa lamay ng anak; lola patay, mag-ina kritikal

HIMAS-REHAS ang padre de pamilya na sinaksak ang kanyang mag-ina bago pinatay ang matandang kapitbahay sa ginawa niyang pagwawala sa lamay ng anak na teenager sa Tondo, Manila nitong Martes.

Ayon sa ulat ng pulisya, nag-amok ang suspek sa burol ng 16-anyos na anak sa Brgy. 163, Dagupan Extension.

Pumasok sa kanilang bahay ang suspek, na bitbit ang isang itak, at sinaksak ang kanyang mag-ina. Agad namang naitakbo sa pagamutan ang dalawa.

Dumiretso siya sa tindahan ng kapitbahay at sinasaksak ang matandang bantay. Dead on the spot ang biktima.

Naaresto ang suspek ng mga rumespondeng alagad ng batas.

Inamin ng suspek ang krimen at sinabing nais niyang patayin ang kanyang buong pamilya bago magpatiwakal.

Paliwanag niya na hindi niya matanggap ang pagkamatay ng kanyang 16-anyos na anak na natagpuan niya kamakailan na wala ng buhay.