US music producer binawi pang-ookray sa Jollibee

ISANG araw makaraang kuyugin ng netizens, naglabas ng follow-up video ang record producer na si Benny Blanco na positibo na ang review sa Jollibee.

Sa kanyang TikTok video na may pamagat na  “filipino food take 2,” Jollibee chicken sandwich ang kanyang nilantakan.

“Holy f—! Not only is this sandwich so good, I completely reverse my opinion of how it sucked. You could go there just for this,” sabi niya.

Matatandaan na noong Lunes ay halos maghimagsik ang mga Pinoy at Jollibee fans kay Blanco sa pambabatos niya sa Filipino fastfood chain.

Sa naunang video na may caption na “my first time trying Jollibee,” inihayag ni Blanco na Pinoy ang kanyang stepmother at lumaki siya sa pagkain ng “s—load of Filipino food.”

Matapos ilarawan ang adobo rice na “tastes like butt,” pinintasan din niya ang chicken joy na aniya ay “soggy as f—” bago isinawsaw sa pineapple juice.

Mas lalong nagalit ang netizens nang tikman at iluwa ni Blanco ang jolly spaghetti.