Willie Revillame hindi tatakbo sa 2022 elections

WALANG planong tumakbo sa 2022 elections ang TV host na si Willie Revillame.

Ito ang ipinagdiinan niya sa kanyang show sa GMA 7 ngayong araw.

Rason niya: Nais niyang ipagpatuloy show.”Sa araw na ito, tuloy-tuloy pa rin ang Wowowin. Hindi ko po kailangan kumandidato. Hindi ko po kailangan manalo. Ang kailangan ko ay makasama kayo, dahil sa puso ko, sa isip ko, dapat laging ang mga Pilipino, kayo ang panalo. Ang programang ito na Wowowin ay ginawa para sa inyo,” ani Revillame.

“Ako po si Wilfredo Revillame, nanunumpa sa inyo, dito lang ako sa Wowowin para magsilbi sa inyo. Tuloy-tuloy lang po ang Wowowin,” dagdag niya.

Bago ito sinabi ng TV host na, “Since March, hanggang ngayon, pinag isipin ko pong mabuti. Pinag-aralan kong mabuti. Pinagdasal ko. Marami akong mga kaibigan na kinausap. Marami akong mga taong tinatanong, nagtanong-tanong, at pinapakiramdaman. Yung management, ordinaryong tao, kasama ko sa programa, lahat. All walks of life.

“Kinausap ko yung sarili ko, kailangan ikaw ang magdesisyon sa sarili mo, hindi yung ibang tao. Hindi yung opinyon nila, dapat kausapin mo yung sarili mo kung gusto mo ba to? Kaya mo ba yan? Anong gagawin mo diyan? I we-weight mo yan.

“Sabi ko napakahirap pasukin ng isang bagay na ganito… Una sa lahat hindi naman ho ako nakapag tapos ng pag aaral. Ako po’y isang drummer lang na nagsimula na kumikita dati ng sekwenta pesos, otsenta pesos, 120 pesos. Kailangan mo lang mabuhay, makakain, bayad ng renta…’

“Lagi nilang sinasabi ‘Tingin namin makakatulong ka, di ka gagawa ng masama, di ka mangko-corrupt’.

“Kung sakali man tatakbo ako sa senado, di naman ako magaling mag-English, wala akong alam sa batas, baka ho laiit-laiitin lang ako dun ng ating mga mahal na Senador na magagaling… Siguro baka wala naman ako ma-i-ambag na batas. Baka dumating yung time na sayang din yung boto niyo sa akin; na wala din ako nagagawa, wala ako naambag na knowledge about the law dahil hindi ako abogado.

“Yung kaibigan mo ngayon, bukas kaaway mo na. Mag-ama nag aaway dahil sa position. Magasawa naglalaban dahil sa posisyon. Sayang ho ang buhay. Dapat kung maglilingkod, tanggalin galit sa puso.

“I’m not a bright person pero ang puso ko laging may pagmamahal. Sana lahat ng politiko, hindi politiko kundi public servant.

“Hindi ko kakayanin na pumasok sa isang bagay na wala akong kakayahan.“Ito pong COC, ito po ang aking Certificate of my Contract dito po sa GMA. I signed a contract para magtuloy-tuloy po ang programang Wowowin,” ani Revillame.