Showbiz nagluluksa sa pagpanaw ni Mahal

MARAMING taga-showbiz, kabilang sina Ai-Ai delas Alas, Rosanna Roces at Kiray Celis ang nagluluksa sa pagkamatay ng komedyanang si Mahal.


Sumakabilang-buhay si Mahal o Noeme Tesorero sa totoong buhay ngayong araw dahil sa Covid-19. Siya ay 46.


Ayon kay Ai Ai, hindi siya makapaniwalang wala na ang kanyang kabarkada.


“Kanina hindi pa nag-sink in sa ‘kin na wala ka na pero nung pinanood ko to (video ni Mahal), ayan naiyak na’ko. Rest in peace, Mahal. Nawalan ako ng isang barkada sa industriya,” aniya.


Nagpapasalamat naman si Rosanna dahil nakilala niya ang bulilit na komedyana.


“Isang napakalungkot na balita. Salamat sa pagkakataong makasama at makatrabaho ka. Uwi na kay Lord, Mahal,” sabi niya
Samantala, nag-post ng picture si Kiray na kasama si Mahal sa Facebook.


“Sa liit na panahon na nakasama kita, ganun naman kalaki ang naibigay mong saya sa puso ko. Ayoko isipin, ayoko tanggapin, ayokong maniwala Ate Noeme,” caption niya rito.


Sabi naman ni Benjamin Alves sa FB: “I will miss your laugh and your aura sa set. Wala kang moment, kahit late na or pagod na tayo, na di ka nakasmile. It was an honor to share a scene with you. We love you forever Ate Mahal! Ate Mahal… I will miss your laugh and your aura sa set: wala kang moment, kahit late na or pagod na tayo.”
Ilan pa sa nagbigay-pugay kay Mahal ay sina Janice de Belen, Ken Chan, Jerald Napoles at KaladKaren. –A. Mae Rodriguez