Sarah Lahbati, foreigner naispatan sa HK 

MAY bago na nga bang love life ang aktres na si Sarah Lahbati na naispatan na kumakain sa restaurant sa Hong Kong kasama ang isang lalaking Caucasian?

Sa kanyang vlog na “Showbiz Update,” sinabi ni Ogie Diaz na isang fan ng programa ang nagpadala sa kanya ng mga larawan ni Sarah at ng foreigner.

“May balitang Hong Kong tayo. May nagpasa lang ng mga litrato sakin kasi may kababayan tayo doon na sobrang avid [fan] at viewer nitong ating Showbiz Update,” ani Ogie.

“Nakasabay daw niya sa restaurant sa Hong Kong si Sarah Lahbati. Nasa kabilang table si Sarah at may kasamang lalaki si Sarah,” dagdag ng talent manager at blogger. Sambit ni Ogie, gusto sanang magpa-picture ang source kay Sarah pero nahiya ito dahil kumakain ang aktres at ang lalaki. Kaya ang ginawa raw ng fan ay kinunan na lang ng picture ang dalawa.

Inamin naman ni Ogie na hindi niya alam kung sino ang foreigner na kasama ni Sarah.

“Hindi natin alam kung ito ba ay bagong manliligaw ni Sarah or baka naman kamag-anak ni Sarah. Eh kasi daw parang natapunan ng something ‘yung lalaki, pinunasan ni Sarah,” sabi pa ni Ogie.

“Hintayin natin. Malay mo, may sasabihin si Sarah sa pictures na ‘yan, Anyway, tahimik naman na ‘yung dalawang kampo,” sambit niya na ang pinatutungkulan ay ni Sarah at ang asawang si Richard Gutierrez.

Matatandaan na noong nakaraang buwan ay kinumpirma ni Sarah na single na siya makaraang makipaghiwalay kay Richard.