Robin Padilla isinugod sarili sa ospital matapos mahilo habang nagmomotor

ISINUGOD ng action star na si Robin Padilla ang kanyang sarili sa ospital matapos mahilo habang sakay ng kanyang motorsiklo.

Kwento ng aktor, nagdedeliver daw siya habang sakay ng motorsiklo nang maramdam ang pagkahilo. Ito anya ay dahil umano sa tindi ng init kaya siya nahilo at dahil doon ay inihatid na niya ang sarili sa ospital para magpatingin.

“Sa sobrang babad sa init kanina nahilo ako kaya kagyat ako nagpunta sa New Era General Hospital at nagpa check up. Normal naman ang lahat ng vital signs ko hindi lang ang BP ng 140/100 ako,” caption niya sa kanyang Instagram post.

Agad din namang bumalik sa pagdedeliver si Robin nang makapagpahinga sa emergency room.

“Makaraan ang kulang isang oras pagkatapos ko makatulog sa emergency room ok na ako uli. Resume ng agad ng delivery,” kwento niya.

Hindi naman niya tinukoy kung ano ang idinideliver niyang produkto.

Ayon pa sa aktor saludo umano siya sa mga delivery riders na nagdedeliver araw araw.

“Napakahirap ng trabaho ng mga delivery riders. Babad sa init at usok tapos biglang uulan. Isang malalim na pagpupugay sa mga delivery riders,” pahayag ng action star.