Rendon banned na rin sa Google, limitado sa Instagram

ISINAWALAT ng kontrobersyal na motivational speaker na si Rendon Labador na bawal na siyang gumamit ng Google Mail at restricted din siya sa Instagram.

Kaya ang nasambit niya: “Saan ba talaga ako nagkamali?”

Sa Instagram ngayong araw ay sunod-sunod ang posts ni Rendon.

Una, inanunsyo niya na na-disable ang kanyang Gmail account na [email protected] dahil sa “content that involves a child being sexually abused or exploited.”

“Binura na rin ako ni Google. Kahit email bawal na rin ang Rendon Labador?” sabi niya.

Nagtataka siya kung bakit pati sa Google ay inireklamo siya gayung matagal na niyang hindi ginagamit ang email niya.

Ikalawa, isinapubliko niya ang mensahe mula sa Instagram na limitado na rin ang mga pwede niyang i-post dito.

Ayon sa IG, ginawa ito kay Rendon “to protect our community.”

Matatandaan na burado na sa Facebook at TikTok ni Rendon makaraang i-mass report ng mga umano’y fans ng noontime show na “It’s Showtime.”

Ayon sa social media personality, umabot sa mahigit 30 milyon ang nag-report laban sa kanya.