Ogie Diaz tinalakan si Skusta: ‘Wag mong idamay ang bata’

PINAYUHAN ni Ogie Diaz ang kontrobersyal rapper na si Skusta Clee na huwag nang idamay sa eskandalo ang anak niya kay Zeinab Harake na si Bia.

Sa kanyang vlog, iginiit ni Ogie na kailangang maging responsableng ama si Skusta kay Bia.

“Sana lang pag gumawa ka ng bata o gumawa ka ng responsibilidad, panindigan mo. Itong kay Skusta, kung galit man siya kay Zeinab, kay Zeinab siya galit dapat hindi doon sa bata,” aniya.

“Dapat walang kinalaman ang bata, inosente ang bata para idamay. Gawin mo pa rin ang responsibilidad mo bilang ikaw naman ang ama ng bata,” dagdag niya.

“Dapat hindi lang kanta ang pinaninindigan natin. Hindi lang kanta o ‘yung mga lyrics na ginagawa sa mga kantang ginagawa natin ang isinasapuso natin, pati sana yung responsibilidad natin bilang ama, bilang magulang ng bata,” sabi pa niya.

Kinampihan naman ni Ogie si Zeinab sa away nito kay Skusta

“Gusto ko lakasan mo ‘yung loob mo pero at the same time, dapat nagma-mature na tayo lalo na at mayroon na tayong ipinaglalaban.

“Kung talagang wala nang pagmamahal, hayaan mo na siya. Marami namang nanay na kayang panindigan ang kanilang anak. Kung gusto niyang makita ang anak niya, e di pagbigyan mo.

“Wag mo lang idadamay yung relasyon ng bata sa kanyang ama. Wag mong i-deprive ng pagmamahal ng tatay ang bata. Wala ‘yang kinalaman, inosente yan. At sana pareho kayo na mapalaki n’yo nang maayos ang bata,” litanya ni Ogie.