Lolit naaawa kay Pokwang

NANINIWALA si Lolit Solis na mapapalaki nang maayos ng komedyanang si Pokwang ang anak nito na si Malia kahit wala itong katuwang sa buhay.

Sa kanyang Instagram page, nakisimpatya ang veteran show biz columnist at talent manager kay Pokwang makaraang makumpirma na hiwalay na ito sa long-time American boyfriend na si Lee O’Brien.

“Dahil mahirap din para sa isang babae na ma in love, magka anak at tapos mahiwalay , we feel for Pokwang,” sabi ni Lolit.

Pero naniniwala siya na kering-keri ito ng Kapuso comedienne.

“Mukha naman mahusay magdala ng kalagayan niya si Pokwang kaya tiyak na papasa siya sa mga pagsubok na darating sa buhay niya,” paliwanag ni Lolit.

Hindi rin siya nag-aalala para kay Malia, ang anak ni Pokwang at Lee.

“Mahirap din magpalaki ng mga anak, lalo na ngayon na medyo mahirap ang buhay at hindi gaanong busy ang showbiz,” sabi ni Lolit. “[Pero] for sure, mapapalaki niya ng mabuti ang mga anak niya.”