Ina ng singer-actress ipapa-Tulfo ng tauhan?

ISINIWALAT ng vlogger at talent manager na si Ogie Diaz na inirereklamo ng maling pamamalakad ang ina ng kilalang actress-singer ng isa mga umano’y tauhan nito.

Hindi naman kinumpirma ni Ogie kung totoo ngang empleyado ng ina ng singer ang nasabing tauhan.

Gayunman, binasa ng co-host ni Ogie na si Mama Loi sa latest episode ng Showbiz Update ang hinaing ng empleyado.

“Violations sa labor code: Hindi bayad ang 31st ng buwan kung meron kahit na nagtrabaho ng araw na iyon. Walang overtime pay. Walang double pay. Delayed ang sahod, no restdays kahit na magpa-approve ka hindi niya papansinin,” ayon kay Mama Loi.

“Hindi nagbabayad ng government mandated benefit. Hino-hold ang tao pag gusto nang umalis, ayaw payagan agad. Ginigising ang tao kahit na oras ng pahinga para lang magbaba ng mga dala niya. Pinapakain ang mga tao niya ng paa ng manok at paulit-ilit at ulo ng manok. Hindi pagpansin kahit na may sakit ang tao. Kagaya nito, hindi na naman siya nagpasahod kahapon,” dagdag niya.

Inihayag naman ni Ogie na hawak nila ang screenshot ng pag-uusap ng empleyado at ng kanyang amo.

“Meron pa silang screenshot para patunayan sa amin na talagang meron silang conversation. Yung nakikiusap na need niyang makipag-appointment bago makapasok at makuha ang mga gamit niya at isang regulasyon ng kompanya na bawal kunin ng ibang staff ang salary ng nagmamay-ari ng sahod,” ani Ogie.

Dagdag niya, kailangang harapin ng ina ng singer ang nagrereklamo dahil maaari itong umabot sa demanda.

“Mas maganda, harapin (niya) ito. Kasi siyempre mahirap na po ito lalo sa panahon ngayon…baka ipa-Tulfo ho kayo ng inyong empleyado na nagrereklamo sa inyo,” dagdag ni Ogie.

“Mas maganda na ayusin na po natin ito, para naman sa ganoon makapamuhay ang lahat nang maayos,” aniya pa.