Driver may reklamo vs Bea

PINABABAYARAN umano ng aktres na si Bea Alonzo sa kanyang driver ang pagpapakumpuni kapag nabangga nito ang sasakyan, ayon sa ulat ni Cristy Fermin.

Sa programa niyang “Cristy Ferminute,” sinabi ni Cristy na nagrereklamo sa social media ang girlfriend ng driver ni Bea.

“Nagra-rant sila sa social media ngayon at kalat na kalat na po talaga ‘yung kanilang pagrereklamo lalo na ‘yung girlfriend ng isa niyang driver na nagsasabi na, ‘Bakit po ganoon Ma’am Bea mababait naman po ang mga staff n’yo pero bakit ganoon?'” lahad ng beteranang showbiz columnist at host.

“Nagbibigay kayo ng pambayad sa SSS at saka sa Philhealth pero ayaw n’yo naman silang payagan na lumabas ng inyong bahay para naman maasikaso ang kanilang mga dokumento para naman sila ay magkaroon ng kasiguraduhan sa kanilang pamumuhay,” ani Cristy base sa sumbong ng mga dati umanong staff ng aktres.

Matapos ito ay tinutukan naman ni Cristy ang daing ng girlfriend ng driver ni Bea.

“Yung sa driver ang ipinagtataka ko… bakit kailangan kapag nabangga ang sasakyan ay pababayaran sa driver? Bakit wala bang insurance itong mga sasakyan ni Bea Alonzo?” hirit niya.

“Wala pong driver na gugustuhin na maaksidente siya at ang kanyang pasahero,” punto ni Cristy.

“Nag-knock on wood pa ‘yung girlfriend, paano kung may maganap nga? Wala man lang kasiguruhan ang driver kung ano ang magaganap sa buhay niya?” dagdag niya.

Bukas ang Publiko sa panig ni Bea.