Ai Ai: Di ako kakampink, tanging ina n’yo!

IPINAGDIINAN ng komedyanang si Ai Ai Dela Alas na hindi siya supporter ni presidential candidate Vice President Leni Robredo.

Ito ang reaksyon niya sa lumabas na picture sa social media kung saan isinama siya sa mga artistang itinutulak ang kandidatura ni Robredo.

Kabilang din sa photo collage sina Rica Peralejo, Pokwang, Sharon Cuneta, Miles Ocampo, Anne Curtis, at Angel Locsin.

Ang titulo ng picture: “Mga artista nagsuot ng pink para ipakita ang suporta kay Leni Robredo.”

Giit naman ni Ai Ai isang malaking kasinungalingan na isa siyang kakampink.

“Utang na loob NANAHIMIK AKO wag nyo akong masali sali sa mga ganito .. tahimik buhay ko .. lahat na lang .. huy !!!!

“Tanging ina ko pa picture yan tanging ina ka kung sino ka man na gumagawa ng mga ganitong ka cheapan … pls hindi po ako vp LENI supporter.”

Ginamit pa niya ang mga hastags na #panahonpanimatusalemangpicturenayan #iwantpeace #iwantunity #silenceisdeadly.

Hindi naman tuwirang nagdeklara si Ai Ai ng sinusuportahan niyang kandidato, pero base sa #iwantunity hashtag, mukhang ang Uniteam tandem nina Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte-Carpio ang kanyang napupusuan.