P1-M reward vs killer ng Davao model

MAY alok na P1 milyong pabuya ang Davao police sa makapagtuturo sa pumatay sa isang model-businesswoman nitong Martes.

Kaugnay nito, inihayag ni Col. Alberto Lupaz, hepe ng Davao City police, na may malalim na dahilan sa pagpatay kay Yvonne Chua Plaza.

Paliwanag niya, personal na away ang motibo na kanilang tinututukan.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang dalawang persons of interest ang pulisya bagaman tumanggi silang magbigay ng detalye ukol sa mga ito dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Lumikha rin special investigation task group ang Davao City police para magpokus sa kaso.

Matatandaan na binubuksan ni Plaza ang gate ng inuupahang bahay nang lapitan siya ng gunman at barilin gabi ng Disyembre 28.

Tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo na minamaneho ng kakuntsaba. Hindi naman matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawa dahil naka-helmet ang mga ito.