Ex-Rep. Andaya natagpuang patay, may tama ng bala sa ulo

NATAGPUANG patay si dating Camarines Sur Rep. Rolando “Nonoy” Andaya sa kanyang silid Huwebes ng umaga. Sinasabing ikinasawi nito ang isang bala ng baril na tumama sa kanyang ulo. Siya ay 53.

Ayon sa report ng pulisya, dali-daling nagtungo sa silid ng dating kongresista ang kanyang personal assistant matapos makarinig ng putok ng baril, at doon ay tumambad sa kanya ang walang-buhay nang si Andaya.

Sa Facebook post kahapon, kinumpirma ng kanyang mga anak na sina Ranton at Katrina ang pagpanaw ng dating kongresista.

“With deep grief and sadness, we announce the untimely death of our father, former member of the House of Representatives, Rolando “Nonoy” G. Andaya, Jr., this morning, June 30, 2022,” ayon sa post na inilagay sa Facebook page ng kanilang ama.

“We request for your fervent prayers for his eternal repose, and to allow us, his family, to grieve privately our loss.”