Buhay na isda nalunok ng mangingisda

SUMAILALIM sa operasyon ang isang mangingisda na aksidenteng nakalulon ng buhay na isda sa Toboso, Negros Occidental.

Ayon sa ulat, limang oras bumara sa lalamunan ng biktima, 30, ang isda at nahirapan itong huminga kaya dinala na siya sa pagamutan.

Nanghuhuli ng isda sa sapa ang biktima nang madakma nito ang isang martiniko na may haba na limang pulgada.

Kinagat umano niya ang ulo ng martiniko para mapatay pero nagkakawag ang isda kaya aksidente niya itong nalulon.

Unang itinakbo sa municipal health office ng Toboso ang biktima pero inilipat sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital sa Bacolod City para operahan.

Nasa maayos na kondisyon na ang mangingisda, ayon sa ulat.