Bree Jonson positive sa cocaine; ‘no signs of struggle’ – PNP

NAGPOSITIBO sa cocaine ang nasawing artist na si Bree Jonson, ayon sa pulisya.

Bukod dito, wala rin nakitang senyales sa katawan nito na may “struggle”, base sa initial findings ng isinagawag otopsiya sa katawan ni Jonson na tinukoy ni Brig. General Emmanuel Peralta, hepe ng Ilocos Regional Police.

“‘Yung cause of death ni Breana ay asphyxia. Kasama na rin dito [sa autopsy] yung test ng urine na nakuha sa bladder niya, Breana ay tested positive for cocaine use,” ayon kay Peralta sa panayam sa ANC.

Wala rin umanong struggle na nakita sa katawan noong Sabado nang makita ang katawan ni Jonson sa Flotsam and Jetsam beach resort sa San Juan, La Union.

Gayunman, may nakitang markings sa kanyang leeg, dagdag pa ng opisyal.

“Malinis ‘yung katawan ni Breana, ‘yung likod niya, mga paa, ‘yung harapan, mga kamay. Ang meron lang siyang markings ay ‘yung sa neck niya, sa leeg, may ligature marks,” dagdag pa ni Peralta.

Anya ang markings ay mula sa cat chain.

“Maaaring itong chain ay ginamit niya (Jonson) to harm herself inside the comfort room. But that itself we cannot fully conclude as of this time. Tinatapos pa kasi lahat ng examination, may examination pa tayong hinihintay ang resulta, ‘yung histopathology examination,” paliwanag pa ng opisyal.