4 Chinese patay sa drug sting; P262M shabu kumpiskado

APAT na Chinese ang napatay nang makasagupa ng mga ito ang pulis sa isang buy bust operation sa Angeles City, Pampanga, Lunes ng umaga, na ikinaresulta rin sa pagkakakumpiska ng P262 milyong shabu.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency, naganap ang operasyon sa Punta Verde subdivision, barangay Pulung Cacutud.

Isang entrapment operation umano ang ikinasa ng otoridad ngunit sa kalagitnaan ng operasyon ay nakatunog ang mga suspek at nagpaputok ng kanilang baril at nauwi sa barilan ang insidente.

Nasawi sa insidente ang mga suspek na sina Cai Ya Bing, Erbo Ke, Huang Guidong, at Wuyuan Shen/ Jinpeng Zhang, na mga galing mula sa mainland China.

Nakumpiska sa operasyon ang 38 kilos ng pinaghihinalaang shabu, marked money, cellphone, at apat na baril na .45 pistola.