Kapatid ni Percy Lapid duda sa self-confessed gunman

DUDA ang kapatid ng napatay na broadcast commentator na si Percy Lapid sa naging salaysay ng sinasabing gunman.

Sa isang panayam sa DZMM, idinagdag ni Roy Mabasa na nais niyang makaharap mismo ang sinasabing self-confessed killer na si Joel Estorial.

“Narinig ko na sa kanila yan pero hindi tayo kumbinsido sa narration nitong suspek. Unang-una kung may CCTV, ipag-match natin ang dalawang taong ito parang hindi magkamukha. I am just a layman, I am a journalist, I covered the police for quite some time pero hindi naman siguro mahina ang ating paningin pagdating sa ganyang mga bagay,” sabi ni Mabasa.

Aniya, ikinumpara niya ang mga CCTV sa suspek at hindi magkamukha ang dalawa.

“Again, I don’t want to criticize the work of our police but medyo magpakatotoo tayo ng konti. Sana man lang nagkaroon ako ng pagkakataon na masilayan ko ang pagmumukha nito. Tinitingnan ko ang mga CCTV footages, hindi ko nakikita ang pagkakahawig,” aniya.

“Sana magkaroon sila ng walkthrough, palakarin natin yang hawak na gunman,” ayon pa kay Mabasa.

Idinagdag ni Mabasa na lalo lamang sumasakit ang loob nila sa nangyayari at nangangamba para sa kanilang seguridad.