Mastermind sa Percy Lapid killing: ‘Galing po sa loob ng Bilibid’

“GALING po sa loob, sa Bilibid po.”

‘Yan ang naging tugon ng self-confessed killer ni Percy Lapid na si Joel Estorial nang tanungin kung sino ang utak sa pagpatay sa broadcast commentator noong Oktubre 5 sa Las Pinas City.

Ginawa ni Estorial ang pag-amin nang iharap siya sa media ng PNP at DILG matpos siyang sumuko nitong Lunes.

Ang tinutukoy ni Estorial na “loob” o “Bilibid” ay ang New Bilibid Prison sa Muntinlupa na siyang pangunahing kulungan sa bansa na nasa pangangasiwa ng Bureau of Corrections na nasa ilalim naman ng hurisdiksyon ng Department of Justice.

Tinukoy rin ni Estorial na tatlo pang kasamahan niya ang naging katuwang sa pag-ambush kay Lapid. Kinilala niya ang mga ito na isang Orlando o Orly at ang magkapatid na Edmon at Israel Dimaculangan.

“Iyong usapan, kung sino po ang matapat kay Percy po, siya po ang babaril. Nagkataon po natapat sa akin. Sabi naman po, kung hindi ko binaril, ako po ang papatayin kaya nga, binaril ko na po si Percy,” kwento ni Estorial sa press conference.

“Iyong kumontrata po, sir, galing sa loob ng Bilibid. Tinawag po sa amin na ganoon daw po,” dagdag pa ng suspek.

Nangako naman si Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. na gagawin ang lahat para madakip ang utak ng pagpatay.