Cristy ipinagtanggol pagpunta ni Direk Cathy sa party ni Daniel

TODO-TANGGOL si Cristy Fermin sa direktor na si Cathy Garcia-Sampana na inokray ng mga fans ni Kathryn Bernardo dahil sa pagdalo nito sa birthday party ni Daniel Padilla noong Linggo.


Sa latest episode ng “Cristy Ferminute,” iniulat ni Cristy ang pagkainis umano ng fans ni Kath sa direktor lalo at kumalat na sinabihan umani nito si Daniel na “kakampi mo ako.”


“Ayon sa mga fans ni Kathryn ay nagsalita raw itong si Direk Cathy na parang mas kampi siya kay Daniel dahil nagpunta doon sa birthday party,” ani Cristy.


“Opo, ‘yon ang napansin ng ating mga basher, mga kaibigan, mga mambabasa. Na bakit ganoon? Ang alam nating lahat, mas malapit ito kay Kathryn. Pero bakit noong birthday ni Kathryn wala si direktor?” sabat ng cohost niyang si Rommel Chika.


“Hindi ako naniniwala na sasabihin niya na mas kampi siya kay Daniel…Huwag tayong bumili ng kakampi. Huwag tayong humamig ng kakampi sa atin. Ang naghiwalay, si Daniel at si Kathryn. Ano namang kinalaman ng ibang tao doon,” hirit ni Cristy.


“Ipagpalagay na nating nagpunta si Direk Cathy Sampana sa birthday ni Daniel Padilla. Bakit? Wala ba siyang karapatan? Naging artista niya si Daniel,” dugtong pa niya.


Ayon naman sa mga kumalat na chik, hindi umano naimbitahan si Cathy sa mga birthday parties at housewarming ni Kathryn.


Idinirek ni Cathy sina Kathryn at Daniel sa mga box office hits na “The House of Us” at “She’s Dating the Gangster.” Siya rin ang direktor ng “Hello, Love, Goodbye” nina Kath at Alden Richards.