Bongbong Marcos opisyal nang nanumpa bilang ika-17 pangulo

OPISYAL nang uupo bilang ika-17 pangulo ng bansa si Ferdinand “Bongbong” Marcos matapos siyang pormal na makapanumpa Huwebes ng tanghaling-tapat, Hunyo 30, 2022, sa National Museum grounds sa Maynila.

Nanumpa si Marcos sa harap ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo, hudyat ng pagbabalik ng mga Marcos sa Malacanang, 36 taon ang nakaraan matapos mapatalsik ang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Kasama ang kanyang misis at ngayon ay Firs Lady na si Louise Araneta-Marcos at kanilang tatlong anak na lalaki, sinaksihan din ng kanyang ina na si dating First Lady Imelda Marcos at kapatid na si Senador Imee Marcos ang inagurasyon ni Marcos.

Suot ni Marcos ang barong tagalog na dinisenyo ni Pepito Albert na inspired naman ng military uniform noong panahon ng pananakop ng Kastila.