Gusto ng pizza, preso nang-hostage ng guard

PINAKAWALAN ng dalawang preso sa Eskilstuna, Sweden ang bihag nilang mga guwardya makaraang ibigay ang kanilang hinihingi: 20 karton ng pizza.


Hindi naman sinaktan ng mga preso ang dalawang jailguard. “They were able to return safely to their family,” ayon sa tagapagsalita ng kulungan na si Stina Lyles.


Ayon sa ulat, nakapasok ang dalawang preso sa silid na nakalaan lamang sa mga guwardiya.


Hinablot ng mga preso ang dalawa sa mga guwardiya at ginawang hostage.


Ayon sa mga preso, pakakawalan lamang nila ang mga bihag kung magpapadala ang otoridad ng helicopter para makaalis sila at 20 karton ng pizza para sa kanila at sa kanilang mga kasamang bilanggo.


Naideliber naman ang pizza bago nasakote ang mga hostage-takers.


Nahaharap sa kidnapping ang dalawa, na nakakulong dahil sa kasong pagpatay.