80-anyos na lolo nag-graduate ng high school na may honors

NAGTAPOS na second honor ang 80-anyos na lolo sa junior high school sa Gasan, Marinduque sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education.


Ayon sa ulat, plano ni Teofilo Bonites Sr. na tapusin din ang senior high school para makapagkolehiyo at kumuha ng kursong Journalism o Political Science.


Pangarap ni Lolo Teofilo na maging reporter simula nang maging newsboy siya sa Maynila noong kanyang kabataan.


Sinabi ng kanyang guro na si Chona Recto na masigasig sa pag-aaral si Lolo Teofilo kahit pa may-edad na.


Hindi rin umano ito lumiliban sa klase kahit umuulan at minsan ay nauuna pa ito sa kanya, dagdag ni Recto.
Nang ipagbawal ang face-to-face learning, hindi umano sumuko ang matanda sa pagsagot sa modules. –A. Mae Rodriguez