Negosyante grinipuhan sa away-sweldo

SUGATAN ang negosyante makaraang saksakin ng tauhan na nagreklamo sa kanyang sahod sa Malabon nitong Lunes.

Nagtamo ng saksak sa tagiliran si Edgardo Manggay, 64, ng Brgy. Tañong at kasalukuyang ginagamot sa Tondo Medical Center.

Nasakote naman ang suspek na si Jazel Casin, 22, kapitbahay ng biktima, matapos ang pananaksak.

Sa ulat, nilapitan ni Casin si Manggay alas-3 ng hapon para pakiusapan ito na itaas ang kanyang sweldo.

Tumanggi si Manggay dahil mahina umano ang kanyang negosyo pero iginiit ni Casin ang nais kaya nagkasagutan ang dalawa.

Sa gitna ng away ay bumunot ng patalim ang suspek at tinarakan ang biktima.

Dinakip ng mga barangay tanod ang suspek nang makita ang duguan nitong kutsilyo bago itinakbo sa ospital ang biktima.