Ginang todas sa lasing na parak

NASAWI ang 52-anyos na ginang nang barilin ng lasing umanong pulis sa Fairview, Quezon City Lunes ng gabi.


Nakunan sa video ang pagpatay kay Lilybeth Valdez ng Sitio Ruby, Brgy. Greater Fairview ni MSgt Hensie Zinampan ng Police Security and Protection Group.


Ayon sa ulat, bumibili sa tindahan si Valdez alas-9 ng gabi nang lapitan at sabunutan ng kapitbahay na si Zinampan.


Pumalag ang biktima kaya bumunot ng baril ang suspek at binaril ito.


Nadakip ang suspek matapos ang insidente. Todo-tanggi naman siya sa krimen.


Sinabi ng mga kamag-anak ng biktima na matagal nang may-alitan ang kanilang pamilya at ang suspek.
Kamakailan ay binugbog umano ng asawa at anak ni Valdez ang pulis, na nagbantang babalikan ang pamilya nito.


Nahaharap sa kasong murder ang suspek.


Samantala, sinabi ng mga kapitbahay na isa ang suspek sa mga nagkomento sa pagpatay sa mag-iinang Gregorio ng pulis na si Joel Nuezca noong nakaraang Disyembre at sinabing hindi lahat ng mga pulis ay masasama.


Anila, iginiit ng suspek na isa siya sa natitirang mabubuting pulis.