Call center agent todas sa bugbog ng mag-anak

INIHAHANDA na ang kasong murder laban sa apat na magkakapamilya na pinatay sa bugbog umano ang call center agent dahil sa nawawalang cellphone sa Quezon City.


Nadakip ng pulisya si Mylene Trinidad, 26, habang pinaghahanap pa ang kamag-anak niyang sina Carolyn Adan, 29; Cesar Delimos, at John Joseph Trinidad, 29, pawang residente ng Talanay Area 3, Brgy. Batasan Hills, Quezon City.


Nagtulong-tulong umano ang mga ito para bugbugin ang biktima na si Renz Rompe ng Old Balara, Quezon City.


Ayon sa ulat, pinasok ng mga suspek ang bahay ni Rompe alas-5:30 ng umaga noong Lunes para kumprontahin sa nawawalang cellphone ni Carolyn.


Nang tumanggi si Rompe na may kinalaman siya sa nawawalang telepono ay pinagtulungan siyang bugbugin ng apat.


Nawalan ng malay ang biktima ng hampasin ng matigas na bagay.


Naitakbo pa sa ospital ang biktima subalit hindi na naisalba ng mga doktor ang buhay nito.