Pugante ikinanta ng misis, balik-kulungan

BALIK sa selda ang drug suspect na natakasan ang mga bantay niyang pulis habang kumakain sila sa isang karinderya sa Danao City, Cebu noong Martes.


Nasakote ang hindi kinilalang suspek makaraan ang isang araw sa tulong ng live-in partner nito na itinuro kung saan siya nagtatago.


Ayon sa ulat, ineskortan ng mga pulis ang 41-anyos na suspek mula Camotes Island para dumalo sa pagdinig ng kanyang mga kasong illegal illegal possession and sale of illegal drugs.


Dahil napaaga ng dating sa korte ay nagdesisyon ang mga pulis na mag-almusal muna.


Nang pabalik na sa sasakyan ang grupo ay nagpaalam ang suspek na kukuha lang ng toothpick. Pero nagtatakbo ito sa isang pasilyo at natakasan ang mga humahabol na parak.


Agad nagsagawa ng hot-pursuit operation ang pulisya at natunton ang pinagtataguan ng suspek sa tulong ng live-in partner nito.